July 9, 2008 at 7:30 pm - by little.crystallion | Category: Hanging with Saints, Religion
“Gumawa ka ng mga tapat at mabuting bagay sapagkat ang Diyos ay nakatanaw”.

Yan ang mga salitang namutawi mula sa bibig ng isang 18 buwan na sanggol sa isang tindero na kulang ang halaga o timbang ng langis na ibinibigay. Ang sanggol na ito ay lumaking banal at may pagmamahal sa kapwa lalung-lalo na sa mga mahihirap. Siya ay nabinyagang Ursula.
Nang siya ay 17, pumasok siya sa kumbento ng mga Kapuchino at tinawag na Veronica. Noong siya ay 34, natanggap niya ang stigma ng “koronang tinik” ng Panginoon at ang “limang sugat ni Kristo sa kamay, paa at tagiliran” noong siya ay 37 taong gulang.

Siya ay nahirang na superyora noong 1716.
Minsan ay ninais niyang makipag-isa sa pagdurusa ni Kristo sa Krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sanlibutan, kaya’t nakita niya sa isang panaginip ang larawan ni Kristo na pumapasan ng Krus. Dahil dito, naranasan niya ang napakasakit na kislot sa kanyang puso. Noong siya ay pumanaw, nakitang nakaukit sa kanyang puso ang larawan ng Santa Krus.
Namatay siya sa Città di Castello subalit ang kanyang mga labi ay hindi naagnas…magpahanggang sa ngayon.

Tags: veronica
July 8, 2008 at 7:52 pm - by little.crystallion | Category: Hanging with Saints

Si Santa Priscilla at asawa na si Aquila, na manggagawa ng tolda, ay napilitang lisanin ang Roma nang pinagbawalan ni Haring Claudio ang mga hudyo na manirahan doon. Sila ay pumunta sa Korinto kung saan ay nakasama nila si San Pablo at ginawa silang kristiyano. Sinamahan nila si San Pablo sa Efeso sa kanyang ikatlong misyon. Sila ay bumalik sa Roma at ang kanilang bahay ay ginamit na pook sambahan at bumalik sa Efeso. Sila ay namatay na mga martir sa kamay ng mga pagano.
Tags: saint priscilla
July 7, 2008 at 10:13 pm - by little.crystallion | Category: Hanging with Saints
Siya ay anak ng isang hari subalit mas ginusto na maging madre at naging superyora sa kumbento ng Farmoutiersen-Brie, Pransya. Sinamahan niya sa pagmamadre ang kanyang kapatid na si Sethrida sa direksyon ni Santa Burgundofara.

July 6, 2008 at 6:44 pm - by little.crystallion | Category: Hanging with Saints, Uncategorized
Si Santa Maria Goretti ay nabuhay noong 1890-1902. Ngayong araw ay ginugunita natin ang kanyang kapiyestahan.
Ipinanganak siya sa Corinaldo, Italya sa isang hamak na pamilya at pamumuhay. Sa edad na siyam ay naulila siya sa ama. Hindi rin siya nakapag-aral at lumaking hindi marunong sumulat at bumasa.
Isang hapon, habang siya ay naiwan sa bahay at nananahi sapagkat ang kanyang pamilya ay nagtatrabaho sa bukid, dinalaw siya ni Alesandro, ang kanyang 18 taong gulang na kapitbahay at pinagtangkaan siyang halayin.
Hinila siya nito sa kwarto at pinagbantaan na papatayin kung hindi susunod sa kaniyang kagustuhan. Ayaw pasukob ni Maria at nagwikang, “Hindi. Ito ay isang napakalaking kasalanan sa Diyos. Batid kong ayaw Niya ng ganito. Mapupunta ka lamang sa impiyerno!” Pagkarinig ay itinarak ni Alesandro ang isang mahabang punyal nang labing-apat na ulit sa dalaga.
Pagkaraan ng 24 na oras ay namatay si Maria. Bago siya binawian ng buhay ay nagawa niyang patawarin si Alesandro, na nahuli at nasentensyahan ng 30 taong pagkakabilanggo.
Lumipas ang maraming taon, hindi pa rin pinagsisisihan ni Alesandro ang kanyang kasalanan. Isang gabi, napanaginipan niya si Maria na pumitas ng mga bulaklak at ibinigay sa kanya. Dahil doon, siya ay nagbago at humiling ng kapatawaran sa ina ni Maria na lubos naman siyang pinatawad tulad ng pagpapatawad ng kanyang anak.
Nang maideklara si Maria bilang santo, isang 66 taong gulang na Alesandro ang lumuhod kasama ng libu-libong mga tao na lumuha sa galak.

Tags: maria goretti
July 5, 2008 at 3:41 pm - by little.crystallion | Category: Hanging with Saints, Religion
Ngayong araw ay ginugunita natin ang kapiyestahan ni Santa Filomena ng San Severino, Italya. Siya ay lubos na pinapaniwalaan ng mga deboto sa Ancona. Bilang paglilinaw, siya ay iba sa Santa Filomena na ang kapiyestahan ay Agosto 11.
Walang masyadong impormasyon ang nalalaman tungkol kay Santa Filomena maliban sa kanyang mga larawan na isang dalaga na may hawak na bulaklak ng kamya, minsan ay tatlong palaso o dahon ng oliba at latigo.

Tags: saint philomena, santa filomena