Si Santa Maria Goretti ay nabuhay noong 1890-1902. Ngayong araw ay ginugunita natin ang kanyang kapiyestahan.
Ipinanganak siya sa Corinaldo, Italya sa isang hamak na pamilya at pamumuhay. Sa edad na siyam ay naulila siya sa ama. Hindi rin siya nakapag-aral at lumaking hindi marunong sumulat at bumasa.
Isang hapon, habang siya ay naiwan sa bahay at nananahi sapagkat ang kanyang pamilya ay nagtatrabaho sa bukid, dinalaw siya ni Alesandro, ang kanyang 18 taong gulang na kapitbahay at pinagtangkaan siyang halayin.
Hinila siya nito sa kwarto at pinagbantaan na papatayin kung hindi susunod sa kaniyang kagustuhan. Ayaw pasukob ni Maria at nagwikang, “Hindi. Ito ay isang napakalaking kasalanan sa Diyos. Batid kong ayaw Niya ng ganito. Mapupunta ka lamang sa impiyerno!” Pagkarinig ay itinarak ni Alesandro ang isang mahabang punyal nang labing-apat na ulit sa dalaga.
Pagkaraan ng 24 na oras ay namatay si Maria. Bago siya binawian ng buhay ay nagawa niyang patawarin si Alesandro, na nahuli at nasentensyahan ng 30 taong pagkakabilanggo.
Lumipas ang maraming taon, hindi pa rin pinagsisisihan ni Alesandro ang kanyang kasalanan. Isang gabi, napanaginipan niya si Maria na pumitas ng mga bulaklak at ibinigay sa kanya. Dahil doon, siya ay nagbago at humiling ng kapatawaran sa ina ni Maria na lubos naman siyang pinatawad tulad ng pagpapatawad ng kanyang anak.
Nang maideklara si Maria bilang santo, isang 66 taong gulang na Alesandro ang lumuhod kasama ng libu-libong mga tao na lumuha sa galak.

